2nd Day of Simbang Gabi (December 17, 2023)

Now Quotes

Ang ikatlong linggo ng Adbiyento ay pumapatungkol sa kagalakan at ang imahe na ipinakikita sa Ebanghelyo ay isang ilaw na nagpapatotoo. “Naparito upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya (Juan 1:7).

Kailan ba nagiging masaya ang mga taga-Palawan? Sa amin po sa Palawan ay laging mayroong power shortage o power interruption (brown out) kaya naman para bagang nasanay na kaming magtiis na madilim, mainit at pag bumabalik na and daloy ng kuryente aba kami ay masaya, naroon yaong kagalakan. Ano nga ba ang mayroon sa isang liwanag o ilaw? Pagmadilim mahirap makagawa ng mga bagay bagay kung kaya kinakailangan ng ilaw. Ang ilaw ay nagbibigay ng pagkakataon para tayo ay makakilos o makagawa ng isang bagay. Mayroong iba’t-ibang pagpapakahulugan ang imahe ng isang ilaw o liwanag: Ilaw ng Tahanan (nagsisilbing gabay sa pamilya), Liwanang sa Dilim (pag-asa sa kawalang pag-asa), Maliwanag (madaling maintindihan) at marami pang iba. Ang ilaw ay isang magandang imahe para magpakita ng ibat-ibang uri ng kabutihan. Kaya ngayon tayo ay inaanyayahan na gumawa ng naayon sa liwanag upang magpatotoo sa iba. Dito tayo nagkukulang, sapagkat sinasabi natin na tayo ay mga Kristyano subalit and ating gawa ay di naaayon sa turo ni Kristo: “Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng kasamaan” (1 Tesalonica 5:21-22). Ito ay isang pagpapatotoo, na tayo ay mananampalatayang may pagawa.

Huwag maguguluhan dahil may isang uri ng ilaw na siya namang maaring maglayo sa atin sa Diyos, hindi baga si Lucifer ay tinaguriang “Light bearer,” kaya nga tayo ay inaanyayahan na suriin ang ating sarili kung ang liwanag ba na ating taglay ay galing sa Diyos o galing lamang sa atin (sa ating makasariling pagnanais).

Tayo ay mag-iingat sapagkat pagtayo ay sumasampalataya ito ay hindi ganang atin. Kapag tayo ay gumagawa ng mabuti hindi ito dahil sa lakas na ating taglay kundi sa kabutihan ng Diyos na sa atin ay nananalaytay. Kung kaya sa ating buhay hindi tayo ang dapat magnining kundi ang liwanag ng Diyos na kaloob niya sa atin. “Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw” (Juan 1:8).

Kaya ano ang ating ipananalangin: “Nawa’y lubusan tayong pabanalin ng Diyos…panatilihin niyang walang kapintasan ang buo nating katauhan– ang espiritu, kaluluwa, at katawan… (1 Tesalonica 5:23).” Sa lahat ng pagkakataon ating buong galak na ipagpapasalamat ang pangalan ni Kristo Hesus sa lahat ng pangyayari (1 Tesalonica 5:16-17) sapagkat tayo ay hindi puspos ng ating sarili kundi puspos ng Espiritu. Ang liwanag niyang sa atin ay ibinigay,
siya naman sa iba ay ating iaalay.

More posts about:

ABOUT THE AUTHOR
Fray Jhoben Rodriguez, OAR

Fray Jhoben Rodriguez, OAR

Religious of the Order of Augustinian Recollects in the Province of St. Ezekiel Moreno.