6th Day of Simbang Gabi (December 21, 2023)
“Mga kapatid, iba na ang may alam at may pakialam sa panahon ngayon” sabi sa extro ng YouTube channel ng News5. Masaya tayo kapag tayo ay may alam dahil nagbibigay ito sa atin ng pagkakatong gumawa ng maraming bagay. Subalit, madalas ayaw nating may nangigialam sa atin. Gusto natin na tayo ang nangingialam sa iba ngunit ikinagagalit natin kapag tayo naman ang pinangingialaman. Kaya madalas nating marinig ito: “Huwag kang makialam!”
Subalit mga kapatid, hindi lahat ng pangingialam ay mali. Narinig natin sa ebanghelyo kahapon ang pagbabalita ni Arkanghel Gabriel kay Maria. Bago umalis ang anghel, nalaman ni Maria na ang kanyang matandang kamag-anak na si Elisabet ay nasa ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao. Sa ebanghelyo natin ngayon, narinig naman natin kung ano ang ginawa ni Maria. Nagmamadali siyang umalis ng may pag-aalala upang dalawin si Elisabet kung saan nanatili siya nang may tatlong buwan hanggang sa maisilang si Juan. Ito ay dahil may pakialam si Maria kay Elisabet at Zakarias.
Sa pamamagitan ni Maria, ipinanganak si Hesus na anak ng Diyos. Alam nating lahat ang kwento ng Pasko. Taon taon natin itong pinagdiriwang. Ngunit sa kaliwa’t kanang Christmas sale, Christmas bonus, Christmas party at iba pa, alam pa ba natin ang tunay na diwa ng pasko? Batid ng Diyos na kailangan ng tao ng tagapagligtas kaya “ang Verbo ay nagkatawang-tao; at nakipamahayan sa gitna natin.” Ito ang pinakadiwa ng pasko. Bilang tao, nabubuhay at sumusunod tayo sa napakaraming sistema na kung minsan masasabi nating tayo ay “nilalamon na ng sistema.” Si Hesus na Diyos ay pumasailalim sa makataong sistema, maliban sa kasalanan, upang hanguin tayo sa sistemang ating kinasadlakan at bigyan tayo ng panibagong simula, liwanag, at pag-asa. Ito ay dahil may pakialam ang Diyos sa tao.
Dahil dito, nararapat ngang ikagalak natin at ipagdiwang ang pagparito ni Hesus gaya ng ating narinig sa unang pagbasa at gaya ng pagkagalak ni Maria at ni Elisabet. Ito din ang paalala ni San Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica na narinig natin sa ikatlong Linggo ng Adbiyento: “Mga kapatid, magalak kayong lagi.” Ngunit pansinin natin ang sunod niyang sinabi: “maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Kristo Hesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos.” Samakatuwid, bilang Kristiyano, ang ating pagkagalak at pagdiriwang ay dahil sa Diyos at para sa Diyos. Dala ng samu’t saring mga gawain ngayong kapaskuhan, malimit na natin nakakaligtaan ang tunay na diwa ng pasko – ang magpasalamat sa Diyos dahil ibinigay niya ang kanyang sarili para sa atin. Ito ay dahil sa kawalan natin ng pakialam sa Diyos.
Mga kapatid, sa ating pagdiriwang ng Pasko, huwag sana nating ihiwalay ang ating pagdiriwang sa tunay na diwa nito. Huwag sana nating ihiwalay si Kristo sa Pasko. Ibinigay ng Diyos ang kanyang anak para sa ating kaligtasan. Dahil higit at una sa lahat, iba na ang may alam at may pakialam.