Third Sunday of Lent, Year B
Habang isinusulat ko ang pagninilay na ito may nagchat sa akin. Oo at oras na ng pagtulog (hating gabi na) subalit mayroong nais na magpadasal at magpapahid ng langis na may edad na at nasa bingit na ng kamatayan. Ako ba ay nasa ilalim ng schedule na ako ay dapat magpahinga na at matulog? O ako ay malaya na pipiliin ang maglingkod sa nangangailangan? Isang pagtingin sa aking kalooban ang naganap. Ito na marahil ang ibinibigay ng Diyos sa akin upang ang isang mahinang ako at puno ng pagkakasala ay maging kasangkapan ng Diyos upang sa iba ay maging pagpapala.
Tayo ay wala na sa ilalim ng batas, tayo ay mga taong malaya na sa ilalim ng grasya ng Diyos (San Agustin). Datapwat ang unang pagbasa (Exudos 20:1-17) ay nagpapahayag ng mga kautusan ng Diyos, ito ay isa ring pagpapaalala ng paggabay Niya sa atin kung paano tayo makipag-ugnayan sa Diyos, sa kapwa at sa ating sarili. Ito ay mas mauunawaan kung paanong pinahahalagahan ni Hesus ang Templo. Ang konsepto ng Templo sa Ebanghelyo (John 2:13-25) ay paalala kung paanong pinahahalagahan ni Hesus ang Tahanan ng Ama. Gayunpaman kapansin-pansin din na hindi ninanais ni Hesus na ang isa pang Templo ay mayurakan ng kasalanan. Iyon ay ang Templo ng Espiritu Santo, ang ating katawan (1 Cor. 6:19) na siyang nakagagawa ng pagkakasala subalit sa awa ng Diyos at sa pagsunod sa kanyang mga utos ay nagsisilbing pagpapala.
Tunay nga ba na malaya na tayo at di na nasa ilalim ng batas? Mga kapatid, huwag nating kalimutan ang kahulugan ng pagiging malaya ayon sa ating amang si San Agustin: Ang pagiging malaya ay ang pagpili ng kung ano mabuti at totoo. “Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos, liligaya ang sinuman kapag ito ay sinunod; ito’y wagas at matuwid pagkat mula sa Diyos, pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot” (Psalm 19:9). Ikaw ay malaya, ikaw na ang pumili kung ikaw ba ay patuloy na susuway sa utos nya at patuloy na magkakasala o susunod sa utos ng Diyos upang sa iba ay magsilbing pagapapala.