7th Sunday of Simbang Gabi (Dec. 22, 2017)
Noong nasa elementarya pa ako lagi kung naririnig sa mga matatanda na ang mapagkumbaba ay pinagpapala. Tulad ni Maria ang kanyang kababaang loob ang nagtulak sa kanya na tanggapin ang misyon na iniatas ng Diyos sa kanya na maging Ina ng Diyos at siya ay biniyayaan.
Sa ikapitong araw ng ating simbang gabi, tayo po ay hinahamon ng ating ebanghelyo na maging katulad ni Maria na handang magpakumbaba para sa kalooban ng Diyos sa buhay natin. Ang pagiging mapagkumbaba ay handa tayong harapin ang hamon ng buhay tungo sa kabanalan. Hindi madaling tumanggap ng kagustuhan ng Diyos kapag ang puso natin ay puno ng kayabangan. Ang kayabangan ay laging “AKO” ang sentro at wala ng lugar ang iba kahit ang Diyos. Ang pag-OO ni Maria sa kalooban ng Diyos ay nagbigay sa kanya ng mga biyaya at siya ay umawit at nagpuri sa Diyos “dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa kanya.”
Sinabi sa Mt. 6:33 na “Datapuwa’t hanapin muna ninyo ang kaniyang kaharian, at ang kaniyang katuwiran; at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo.” Ang pagsunod sa kalooban Diyos ang susi ng tunay na kayamanan. Hindi mauuna ang mga materyal na bagay sa ating isipan at doon natin igugugol ang panahon natin. Ang mga materyal na bagay ay pupuno ng ating isipan at puso kaya wala ng lugar ang Diyos at ang ating kapwa. Tayo ay nagiging makasarili.
Ipinakita ng ebanghelyo ang magkasalungat na mangyayari sa sumusunod sa kalooban ng Diyos at doon sa sarili ang naghahari. Biyaya ang bigay ng Diyos sa mga mapagkumbaba at handang sumunod sa kanyang kalooban at kamalasan naman doon sa mga mapagmataas. Sabi pa ni San Agustin kung ang mamahalin mo ay mga makamundong bagay ikaw ay magiging makamundo. Kung ang iibigin mo ay ang mga bagay na maka-Diyos ikaw ay magiging maka-Diyos.
Mga kapatid, ang paghahanda natin sa pagdating ni Kristo sa buhay natin ay paghahanda ng lugar para sa kanya. Ang pagpapakumbaba ay ang magbubukas sa ating puso para siya ay manahan. Sabi ni San Agustin na ang puso natin ay doon namamahay ang aking Diyos. Ngunit sinabi rin sa Mt. 12: 43-45, “Datapuwa’t ang masamang espiritu, kung siya’y lumabas sa tao… Kung magkagayo’y sinasabi niya, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko…” Kaya ang puso natin ay puwedeng pamahayan ni Hesus o ng Demonyo.
Kaya, sino ba ang laman ng puso natin? Si Hesus o ang Demonyo? Sino ang pinaghahandaan ng puso natin? Si Hesus o ang Demonyo? Sino ba ang darating sa puso/buhay natin? Si Hesus o ang demonyo? Mga kapatid, Tulad ni Maria matuto tayong magpakumbaba at hayaan natin na pumasok si Hesus sa puso natin. Hayaan natin na siya ang maging Hari sa puso natin. At dahil sa galak na iyon tayo din ay aawit at magpupuri sa Panginoon… “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas…”
Fray Gideon Antolin U. Lagrimas, OAR