Divine Mercy Sunday, Cycle B

Easter2A

Mabuti sa awa ng Diyos

Ang kadalasang sagot sa tanong na “Kamusta ka” ay “Mabuti sa awa ng Diyos.” Dahil kahit kailan man hindi magiging masama ang maidudulot ng awa ng Diyos sa tao. Kahit ang isang taong batbat ng mabibigat na pasanin sa buhay, kayang sambitin ang katagang “mabuti sa awa ng Diyos” dahil batid ng kanyang kamalayan na palaging kabutihan ang idinudulot ng awa ng Diyos.

Awa ang nag-udyok sa Diyos na bumaba sa lupa at makisama sa tao. Dahil sa Kanyang awa, hinayaan ng Diyos na pagmalupitan Siya hanggang sa mamatay ng taong palagi Niyang kinahahabagan. Sa tuktok ng krus, ipinakita ng Diyos ang Kanyang walang hanggang awa sa sangkatauhan. Sa pagpatak ng dugo ng anak ng Diyos, ang karagatan ng awa ay bumugso para sa sanlibutan. Sa mga kamay na nakaunat sa krus dala ng pagkakapako, niyakap ng Diyos ang sangkatauhan at ibinuhos Niyang ganap ang Kanyang sarili para sa ating lahat. Ang pagdaloy ng dugo at tubig mula sa tagiliran ni Jesus ay naging bukal ng buhay para sa sanlibutan. Nakasalalay sa awa ng Diyos ang pag-iral ng tao sapagkat kalakip ng awa ay ang walang hanggang pagmamahal na kailanman ay hindi pwedeng ipaghiwalay.

Hanggang sa kanyang muling pagkabuhay, awa sa tao ang nanaig sa puso ni Hesus upang hilingin Niya sa pamamgitan ni Sta. Faustina na ipagdiwang ang linggo ng Kanyang walang hanggang awa tuwing ikalawang linggo ng pagkabuhay. Tila baga ang Diyos na hindi nangangailangan ng pagpupuri ng tao ay nagmamakaawa sa tao na mabuhay at lumapit sa kanyang awa dahil alam ng Diyos na pagkaligaw ang dulot sa tao kapag hindi Niya kahahabagan.Ang mga taong magnanakaw at sinungaling ay mga taong walang awa. Ang taong mahilig manlamang ng kapwa ay taong walang konsiyensiya. Ang mga taong mamatay tao ay mga taong walang pagmamahal.

Ang mga taong walang takot sa Diyos ay mga taong mga walang habag. Ang kawalan ng pakialam sa kabutihan ng kapwa ay kawalan ng awa at pagmamahal. Ang mga taong walang pagmamahal ay mga taong walang Diyos dahil kung nasaan ang pagmamahal, naroroon ang Diyos.

Nauna tayong minahal at kinaawan ng Diyos kaya dapat din tayong maging mapagmahal at maawain. Dahil ang lahat ng kabutihan na ating natatanggap ay nagmumula sa habag ng Diyos. Ikaw, kamusta ka?

More posts about:

ABOUT THE AUTHOR
Fr. Jovy Gallego, OAR

Fr. Jovy Gallego, OAR