First Day of Simbang Gabi (Dec. 16, 2017)

c5c0a28a3994ca1491828123987c79bf

Simula na naman ng Misa de Gallo—siyam na araw na paghahanda para sa paggunita ng Pagsilang ng Manunubos ng sangkatauhan mula sa kaalipinan ng pagkakasala. Lahat ay tila ba kumikinang at may kasiyahang dala, mula sa mga dekorasyon na matatanawan sa paligid—ang mga Christmas tree kung saan nagsabit ang mga iba’t ibang kulay na palawit, ang mga kumukuti-kutitap na Christmas lights sa lansangan at mga tahanan, ang mga parol na naglalakihan gawa sa mga nitibong material man o modernong kasangkapan—hanggang sa mga tugtuging pamasko na Oktubre pa lamang ay mauulinigan na.  Simula na naman ng Misa de Gallo at saan ma’y mararamdaman ang tinatawag na simoy ng pasko—malamig man ang paligid, nag-aalab pa rin ang kasiyahan at pananabik para sa pinakamahabang pagdiriwang ng mga Pilipino saan mang panig ng mundo—ang kapanganakan ng Mesisyas.

Mga minamahal, hindi lingid sa kaalaman natin ang kahulugan ng ating pagdiriwang ng Misa de Gallo. Taun-taon, palagi natin itong ginaganap at ipinagdiriwang, at kung hindi ako nagkakamali, sa simula, lalo na sa mga unang tatlong araw, ay tiyak na naroroon ang may saya at galak na pakiramdam ng bawat isa sa pakikiisa sa ganitong uri ng selebrasyon, ngunit sa kalaunan, lalo na kung mga ikalima hanggang ikawalong araw na, kapag nararamdaman na ang puyat at antok, pagod at sakripisyo sa ginagawa dahil sa araw-araw na pagsimba at pakikinig sa homiliya ng pari (lalo na at napahaba ito), unti-unti din ang pagkainip at pagkabato, “tagal naman ng Pasko.” Sa kabila nito, hayaan nating muli tayong mapaalalahanan kung ano ang halaga ng mahabang paghahanda at pagninilay para sa Dakilang Kapistahan ng Pagkakatawang Tao ng Ikalawang Persona ng Santisima Trinidad.

Ngayong unang araw, dalawang bagay ang nais kong ibahagi: ang kababaang-loob na nagdudulot ng pag-asa na ibinahagi sa atin ng ating Panginoong Hesus at ang katotohanang inilapit niya tayo sa Ama.

Una: sa pagkakatawang tao ng Ikalawang Persona ng Santisima Trinidad, ipinakita niya kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Niyakap niya ang kadustaan ng tao, dinanas niya ang hirap na dinaranas ng tao, namuhay siyang katulad natin. Kung tutuusin, kaya niyang gumawa ng paraan upang iligtas ang sangkatauhan na hindi na kailangan pang pagdaanan ang kung anu mang kaakibat ng pagiging tao; ito’y sapagkat siya ay Diyos. Ngunit sa kabutihang loob niya, minabuti niyang ipanganak sa sabsaban upang ipakita na siya’y kaisa natin sa anu mang hirap at pait na dulot ng pamumuhay sa mundo. Ito ang pagpapakita niya ng kababaang-loob na nakaugat sa pagmamahal. Bakit siya nagpakababa? Siya’y nagmamahal. At sa pagmamahal niya sa atin, nagpakababa siya.

Kung kaya nga, ano man ang dinaranas natin sa ating buhay, hirap man o pait na dulot man o hindi ng mga pagkakataong hindi natin inaasahan, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Tanggapin natin ang mga ito ng may kababaang-loob sapagkat hindi tayo nagiisa. Dinanas ito ni Hesus. At ipinakita niyang palaging may pag-asa.

Ikalawa: sa Pagkakatawang-tao ni Hesus, ang tila malayo na Diyos noong una ay inilapit niya, at tayo sa kanya. Ang mga patotoong ginawa ni Hesus na nagpapatunay na siya ay sinugo ng Ama ay ipinaabot niya sa lahat. Ang mga kamangha-manghang mga bagay, mula sa mga milagro at pagtuturo na ginawa niya ay nagpapakitang siya ay sinugo ng Ama upang ipamanhik sa lahat ang kabutihan ng Diyos at tunay na nililingap niya ang Kanyang bayan. Kung noong una, sa Lumang Tipan, ang Diyos ay tila malayo at tinatawag lamang, sa pagkakatawang-tao ni Hesus, siya’y kapiling natin, kaisa natin, sumasaatin. Inilapit ni Hesus ang noong una’y ideya ng Diyos na malayo… isang naroroong Diyos sa kalangitan at tila naghihintay lang ng pagtawag ng kanyang bayan upang samahan sila. Ngayo’y ang Diyos ay sumasaatin sapagkat kapiling natin siya. Siya’y nagkatawang-tao upang makipamuhay kasama natin. Siya’y nagkatawang-tao para sa atin, at S’ya’y nakilala natin.

Kung kaya nga, tatanungin natin ang ating mga sarili, “tinatanggap ba natin ang Diyos sa ating buhay? Pinapatuloy ba natin siya sa ating puso?” Binigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos na makilala siya, makadaupang palad siya. Huwag nating sayangin ang pagkakataon; ipagpasalamat natin sa Diyos ang napakalaking biyaya na makapiling siya.

Mga minamahal, papasko na naman. Handa halos ang lahat sa paligid—ang mga pamaskong dekorasyon, ang mga tugtuging pamasko, baka pati panghanda sa mesa para sa Noche Buena ay handa na rin, ang mga hong pao na ipamimigay sa mga inaanak ay handa narin, ang damit na susuutin. Lahat ay handa na. Ang puso natin ay handa na rin ba? Maihahanda natin ang ating puso’t kalooban sa pamamagitan ng dalawang bagay na ating pinagnilayan: kababaang-loob na nagdudulot ng pag-asa at pagtanggap sa kanya sa ating buhay. Amen.

 

 

Fray Gio Magbojos, OAR
Parish Priest
Holy Cross Parish-Recoletos
Daliao District, Kaohsiung City, Taiwan
December 16, 2017

More posts about:

ABOUT THE AUTHOR
Fray Gio Magbojos, OAR

Fray Gio Magbojos, OAR